Isang eksena
Dec. 23rd, 2009 03:00 amThis is a scene that entered my mind. It’s still hazy. It’s still lacking a lot of things. Very incomplete. It’s in Filipino. I have yet to translate it into English.
Isang hapon, may isang binatang naglalakad sa Ayala, tila malalim ang iniisip. Tila alam na niya kung saan siya dapat kumaliwa, kung kailan dapat tumawid, o kumanan sapagkat tila siya ay tulala, hindi siya nababangga o nadadapa. Patuloy lang siya sa kanyang paglalakad. Kung sinusundan mo siya ay hindi mo masasabi kung saan niya talaga nais magpunta sapagkat galing na siya sa may Paseo, pumunta na sa may Greenbelt, nakarating na sa may Waltermart at bumalik siya sa may Paseo. Naikot na niya ito. Balisa siya. Maraming iniisip.
Nadaan siya sa isang 7-11, ‘yung nasa may Valero, medyo malapit sa Paseo Center. Umupo siya sa isang upuan at tumitig sa mga binebentang babasahin. Hindi niya malaman kung siya ay bibili ng magasin o ng diyaryo. Tila nawawalan na siya ng pag-asa.
Tingnan natin ang binata. Nakasuot siya ng asul na polo at itim na pantalon. Malinis ang kanyang itim na sapatos at nakasuot din siya ng itim na medyas. May bitbit siyang envelope na may mga papel. Ang kanyang buhok ay maikli at maayos ang pagkaka-suklay. Sa kanyang mga bilugang mata ay makakakita ng lungkot at pagkabahala. Tila pagod na siya.
Tumayo ang binata at pumunta sa may mga mabibiling maiinom. Tiningnan ang mga presyo ng inumin: Sprite Ice na Php17, Coke na ganun din ang presyo, may tubig na iba’t iba ang presyo. Pinili nito ang isang bite ng Summit mineral water na kalahating litro na may halagang Php 12.25 dahil ito ata ang pinakasulit sa dala niya. Matapos kunin ang bote ng Summit ay tiningnan nito ang mga babasahin. May kopya pa ng Buy & Sell. Kumuha ito ng isa at tumungo sa kahera. Pagka-abot ng mga ito sa kahera ay dumukot siya ng singkwenta pesos sa kanyang bulsa.
Ano ba naman ito, Carlo? Pang-ilang trabaho na itong sinubukan mo subalit di ka pa rin natatanggap. Palibhasa’y ‘di pa tapos sa kolehiyo at ‘di pa sigurado sa nais gawin. Kahit ano na lang ba talaga ay susubukang pasukin basta lang kumita?
Bumalik siya sa pwestong pinanggalingan kanina. Binuksan ang Buy & Sell at naghanap muli ng maaaring subukang pasahan ng resume. Wala namang masama kung susubukan. Sana nga lang ay makahanap ng trabahong nais talaga niyang pasukin.
Ano ba naman ang alam ko? tanong ng binata sa sarili. Hindi siya nakatapos ng kolehiyo. Dalawang taon lang siya doon sapagkat naubusan ng panustos ang kanyang mga magulang. Sa ngayon siya ay nakatira pa rin sa kanyang tiyahin sa Kamuning ngunit ayaw naman niyang maging pabigat kaya siya ay naghahanap ng trabaho. Kung hindi lang nagkasakit ang kanyang ama ay malamang na nakatapos pa siya. Pero may kasalanan din naman siya. Nawalan siya ng scholarship dahil bumagsak siya sa ilang klaseng kinuha niya noong nakaraang semestre. Akala niya ay papasa siya ng Math pero sa kasawiang palad ay hindi umabot ang grade niya. Bukod sa math ay may mga klase pa siyang nabagsak dahil hindi sila magkasundo ng mga ka-grupo niya sa isang proyektong trinabaho nila. Dahil kaguluhang iyon ay hindi isinama ng mga ka-grupo niya ang pangalan niya nang sila ay magpasa ng proyekto nila sa guro nila. Hindi man lang siya sinabihan - sa totoo lang ay pinag-isipan niya nang maigi ang mga suhestiyon niya kaya lang ay wala namang sumang-ayon sa kanila dahil sa palagay nila ay hindi talaga maganda ang mga iyon. Kinausap niya ang kaniyang guro subalit huli na ang lahat - naipasa ng ang mga grado at nakasulat na ang grado sa classcard. Sayang nga naman daw ang mga ideya niya subalit ganoon talaga. Ulitin na lang daw niya ang klaseng iyon kung nais niya at sa halip na gawin niya ang proyekto na may kasamahan ay mag-isa na lang niya itong gawin sa susunod. May problema nga lang siya. Wala na siyang pera at wala na ang scholarship kaya kailangan niyang magtrabaho muna hanggang makaipon uli ng pambayad ng matrikula.
Bumuntong-hininga ang binata. Tiningnan kung ano ang mga pwede niyang subukang pasukan.